Wala nang atrasan sa implementasyon ng outsourcing program ng Philippine Airlines (PAL).
Ito ang mariing pahayag ni PAL president and COO Jaime Bautista matapos tanggihan ang alok ng mga tiwalag na empleyado ng PAL na bumalik sa dating trabaho kapalit ng pagpigil sa outsourcing program ng kumpanya.
Ayon kay Bautista, unti-unting nang nanunumbalik sa normal ang operasyon ng pambansang flag carrier sa tulong ng mga service providers at mga volunteers na nagmamahal sa airline.
Lumilipad ang PAL sa lahat ng major international at domestic destinations nito tulad ng US, Japan. Korea at maging Cebu, Davao at iba pa.
Aniya, walang karapatan ang mga tiwalag na manggagawa ng PAL ground handling, catering at call center units na pilitin ang management na tanggapin silang muli at magpataw ng kondisyon sa kumpanya.
Dagdag pa ni Bautista, ‘di makatarungan sa mga volunteers at service providers na tumiyak sa paglipad ng PAL sa loob ng ilang araw na malagay sila sa panganib at harassment kung muling ibabalik ang mga tinanggal na manggagawa.
Matatandaan na ilan sa mga empleyadong sumali sa biglaang tigil-trabaho noong Setyembre 27 ang sumira sa mga ground equipment ng PAL. “May ‘clear and present danger’ o panganib na gawin nila ito muli upang lalong maparalisa ang airline,” ani Bautista.
Maaari lamang mabalik ang mga naturang empleyado kung aatasan ng hukuman ang PAL na muli silang tanggapin. Ngunit ayon kay Bautista, wala naman umanong ganong kautusan na natatanggap ang PAL mula sa anumang hukuman.
Muling humingi ng pang-unawa si Bautista mula sa mga pasahero ng PAL habang inaayos ang operasyon ng airline.
