Ibang klase talaga dito sa Thailand!! Hayup!!! Ang tindi!!! Kahit ilang beses ako magpabalik-balik dito sa Bangkok, lagi akong nagugulat sa pagbabago na bumubulaga sa akin.
Nandito ako ngayon sa bayan ng mga mala-uod ang sulat dahil inimbita ako ng Ford Group Philippines para sa pagpasinaya ng bago nilang Ford Ranger. Ang lalim nun ah, pasinaya! Sige, launcghing ng 2011 Ford Ranger na lang. Isasabay yung launch sa taunang Bangkok Motor Show.
Ang Bangkok Motor Show ay ang katapat ng Tokyo Motor Show dito sa Asya. Sa Tokyo, mga Hapon ang bida! Medyo mahirap yata yun ngayon dahil sa katatapos na tsunami at lindol at radiation crisis, eh ngayon taon ang TMS (Tokyo Motor Show yun kuya!!!)
Dito sa Bangkok, maliban sa mga Thai, mga Amerikano at Europeans ang bida. Ito ang tinatawag na Asian Theater ng mga western made na kotse at sasakyan.
Nakakalungkot, kasi may 6 na dekada lang ang nakakaraan, ang Pilipinas ang tinutukoy na western theater pagdating sa komersyo. Ngayon inagaw na ito ng Japan, Tsina, at itong Thailand. Noong 1960′s, ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya ang nagkaroon ng tunay na katauhan ng industriyang pangsasakyan, pabrika, dealer, assembly plant.
Ngayon, yung mga pabrika at assembly plant nandito pa naman, pero yun pa rin ang sukat niya. Yung mas malalaking planta nandito na sa Thailand. Hayup no? Tayo nauna pero tayo ngayon ang kulelat!
Bakit kaya? Ang tawag yata dun ay self-respect and pride in the nation, sa tagalog may respeto tayo sa sarili natin at pinagmamalaki natin ang bansa natin. Pagpasok mo pa lang sa airport ng Bangkok, sasalubungin ka ng mga Thai na nagsasalita ng wika nila.
Hinde Pedro, hindi ingles, wika yun ng mga Kano! Bahasa or Thai ang bati sa iyo. Para sa kanila, dahil nandito ka sa bansa nila, kultura nila ang mangunguna. Tayo? Hindi na nga marunong mag-inglis pinipilit pa!!! Hospitality daw sabi ng mga ungas!!! Oo, kaya yung mga anak natin hospitality girls!!!
Mataas din ang respeto at pagmamahal ng mga Thai sa hari nilang si Bhumibol. Hindi perpekto si Bhumibol, marami din siyang nagin mali, pero nangunguna ang pagmamahal at respeto ng kanyang tao sa kanya kaya pilit niyang nagsisilbi ng mahusay. Hari na yan ha, hindi Congressman at Senador at Governor at Secretary na psuweldo natin. Sa Thailand, ang hari ang may-ari ng buong bansa, pati yata tao dun.
At higit sa lahat, umuusad ang tao dito. Dati AIDS capital ng mundo ang Bangkok, ngayon wala ng AIDS dito. Dati mas masahol pa ang trapik dito kesa sa Maynila, ngayon sobrang ang ganda ng road network nila. Noong araw marami ding kawatan sa Bangkok, ngayon maiwan mo kahit ano sa taxi o mall o bus o airport, isosoli sa iyo, hindi mo hahanapin, ikaw ang hahanapin para isoli sa iyo, nung araw yari ka sa lagay kahit saan dito, ngayon binibitay ang humihingi ng lagay.
Magulo din naman dito sa Thailand. Pag naginarte ang mga heneral dito, biglang coup d’etat (kudeta) na umaatikabo. Hati ang mga sundalo at magbabakbakan sa lansangan. Pero pag humirit na ang hari, tigil lahat, uwi sa barracks ang mga sundalo at tigil ang alitan ng mga heneral.
Kamukha natin ang may native Thai. IIsa ang pinanggalingan nating gene pool. Kung susuriin mo nga ang history natin makikita mo na yung mga sinaunang sulat at salita natin ay halos katulad ng mga taga-rito. Ang mga ritwal, pamahiin at paniniwala ay halos iisa.
Kaya lang, sila walang sumakop, ang Pilipinas dumaan ng 300 taon sa seminaryo, 50 taon sa hollywood, 5 taon sa kempetai, halos buong buhay na naimpluwensiya ni Confucious at ngayon ay patuloy na ginagaya ang hip-hop, rap, rakenrol at Koreanovela.
Tama na naiinis na naman ako kasi!!!!
Basta nandito ako sa Bangkok, kasama ang mga motoring journalist ng Pilipinas, para makita ang pag-lulunsad ng bagong Ford Ranger at makakita ng mga bagon kotse na ilalabas sa buong Asya ngayong 2011 at 2012.
Sige na, sisilipin ko na lang yung mga Floating Restaurant sa Chao Praya River, yung ilog na parang Pasig River lang pero mas maganda kasi hindi ebak ang laman!!!

