Paminsan-minsan may mga liwanag na biglang tumatagos sa akala natin ay wala ng katapusang kulimlim na bumabalot sa ating buhay. Minsan, lumulusot ang liwanag mula sa hindi natin inaasahang sulok ng madilim na langit. Minsan dumadating ito sa panahon na akala natin ay wala ng pa-asa at kailangan na nating tanggapin ang katotohanan na sa sandaling iyon ay ang kadiliman ang maghahari.
SI Heidi Mendoza ay isa sa tulad na liwanag na iyon. Hindi siya maganda kung itataya sa nakasanayan nating pagtala ng kagandahan. Hindi siya matangkad, hindi siya mestisa, hindi siya balingkinitan, wala kay Heidi Mendoza ang lahat ng hinahanap natin sa isang super model.
Pero nung araw na nagsasalita si Heidi Mendoza sa Batasang Pambansa, mata-sa-mata na tinitignan ang mga nakakatakot at makapangyarihang mga heneral ng militar, prangkang sinasagot ang tanong ng ilang kongresistang medyo taliwas ang hirit (baka dahil kumita din kay Garcia), matapang na isinubo ang sarili at pamilya sa ngipin ng alanganin para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino, noong araw at oras na iyon, si Heidi Mendoza ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa para sa akin.
Sa tagal ko sa trabahong mamamahayag, marami na akong nakitang mga whistleblowers o state witness o resource person na nagbunyag din ng mga anomalya sa pamahalaan. Nandiyan si Chavit Singson, si Rosebud, si Jun Lozano, at sangkatutak pang iba. Pero sa mga personalidad na binanggit ko at iba pang tulad nila, hindi ko naramdaman ang sinseridad at dedikasyon na ipinakita ni Heidi Mendoza. Para bagang may ibang pakay sa likod ng kanilang mga isinisiwalat ang mga naunang mga witness. Tsaka lahat sila ay may koneksiyon sa mga taong inilalaglag nila.
Si Heidi Mendoza ay isang accountant. Auditor siya ng Commission on Audit ng pamahalaan ng simulan niya ang imbestigasyon kay General Carlos Garcia, ang heneral na may asawang mayabang pa sa kalan na maingay kaya nagkanda-sabit-sabit ang buo niyang pamilya. Ganyan daw ang mga asawa ng mga militar na galing sa sobrang hirap, pag nakaranas ng ginhawa nagiging gahaman at mayabang (sa totoo lang, marami din akong karanasan sa mga spouses incorporated na yan.)
Pero sa ibang kuwentuhan na na muna yan, at magbalik tayo sa napakagandang si Heidi Mendoza.
Sa imbestigasyon ni Heidi Mendoza, kung saan-saan siya dinala ng impormasyon na nakukuha niya. Kung ano-anong anomalya pa ang bumubulwak sa tuwing meron siyang detalyeng nahahawakan. Palalim ng palalim ang misteryong hinahanapan niya ng kalutasan. Imbes na maging malinaw, lalong nagiging maburak ang resulta ng kanyang imbestigasyon. Ang bawat sagot ay naglilikha ng sampu pang bagong katanungan.
Sa aking karanasan, kung ordinaryong auditor si Heidi Mendoza, hindi na ito lalayo pa, tatapusin niya ang imbestigasyon sa kahon na sakop lang ng kanyang mandato. Hindi na niya hahanapin pa ang sagot sa madidilim na katanungang kanyang nahuhukay sa bawat hakbang niya sa kasong hawak-hawak. Ilalagay niya ang sarili sa ligtas na lugar at sasabihin sa sariling iyon lang ang trabaho niya at tinupad niya ang kanyang tungkulin ayon sa utos sa kanya. Yan ay kung ordinaryong auditor si Heidi Mendoza.
Pero hindi ordinaryong auditor si Heidi Mendoza. Hindi rin siya ordinaryong empleyado ng pamahalaan. Si Heidi Mendoza ay matagumpay na nakapasok sa isang organisasyon na hindi madali magbigay ng trabaho. Isa siyang accountant sa Asian Development Bank matapos ang kanyang trabaho sa COA. Doon ay nakabalot siya ng seguridad na hindi siya puwedeng pilitin ng kahit anong sangay ng pamahalaan na magsalita pa. Maganda ang suweldo niya, siguro may pabahay pa siya at paaral ng mga anak niya, kung katulad siya ng ibang kilala ko na nagtatrabaho sa ADB.
Pero hindi ordinaryong auditor si Heidi Mendoza. Dahil pinili pa niyang bitawan ang trabaho at seguridad sa ADB. Pinili niyang lusubin ang kuko ng panganib ng harapan, kahit na malagay sa balad ng alanganin ang kanyang buhay at buhay ng kanyang pamilya, dahil ito ang tamang gawin.
Halos himatayin si Heidi Mendoza sa pagmamakaawa na siguruhin ang kanyang kaligtasan noong nasa Kongreso siya.. Na ipangako ang kaligtasan ng kanyang mga mahal sa buhay. Dahil nagdesisiyon na siya sa daang kanyang tatahakin, hinihingi niya sa mga ibinoto nating mga kongresista na sana naman ay maibigay ang seguridad na kanyang hinihiling.
Pero ngisi at tawanan ang nakikita ko sa mga naka-amerikana at barong na mga tao sa paligid ni Heidi Mendoza habang iniiyak niya ang nakakalungkot at nakakatakot na panawagan niyang iyon. Nagbubulungan at parang walang kawawang umiiyak sa harap nila ang mga kagalang-galang na Congressman na dapat ay gumagawa ng paraan para pakinggan at ayusin ang problemang inilalatag ni Heidi Mendoza.
Nakakatakot ang eksenang iyon na pinapanood ko lang sa telebisyon. Sa isang banda ay naroon ang matapang na mamamayang si Heidi Mendoza, handang isaksripisyo ang sarili para sa kapakanan ng bayan. Wala siyang mapapala sa ginagawa niya, si Heidi Mendoza, mapapahamak pa nga siya at ang pamilya niya. Pero sige pa rin siya, parang tren na tumatahak sa riles ng kanyang kapalaran si Heidi Mendoza.
Sa kabilang bahagi naman ay isang grupo ng mga, sabi nila pag hinihingi ang boto natin, tagapagtanggol ng mamamayan, nagtatawanan, nagbubulungan, naghihintay ng panahon nilang maagaw ang eksena sa camera para sumikat at masiguro ulit ang boto natin. Yung iba, basta na lang sumisingit ng walang dahilan, matutukan lang ng camera, “point of order” ang laging sinasambit kahit ang hirit ay out of order. Sila yung nag-iimbestiga. 20 taon ko na silang pinapanood mag-imbistiga, hanggang ngayon yung pa rin ang ginagawa nila.
At sa ikatlong bahagi ay ang mga heneral at opisyal ng militar na nagbabadyang mapahamak kung pakikinggan ng maayos si Heidi Mendoza ng mga “tagapagtanggol daw ng mamamayan.” Seryoso ang mukha, tinititigan si Heidi Mendoza, wari bang sinasabing “magitigil ka na Heidi Mendoza, makuha ka sa tingin, kami ang may baril at tauhang baliw! Binabalaan ka namin!!”
Pero tuloy pa rin ang Heidi Mendoza. Isinabit na ang buong militar, dalawang bangko, ilang heneral at pati ang kredibilidad ng Ombudsman. Pikon na pikon ang Mercededitas Gutierrez, wala daw kasong tatayo sa nakuhang ebidensiya ni Heidi Mendoza, wala daw saysay ang tsekeng may 200 milyon na ipinalipat ni General Garcia sa sarili niya. Hindi daw kataka-taka na nakakuha sila ng mahigit isandaang milyon sa heneral na ang suweldo bawat buwan ay wala pang apatnapung libong piso. Basta sabi ni Ombudsman, mahina ang kaso nila kaya bilang representative ng Filipino people, plea bargain na lang tayo at laya ni si General “Kickback” Garcia.
Hindi pa rin natinag ang bayaning si Heidi Mendoza, patuloy niyang inilahad ang patong-patong na anomalyang nahukay niya. Dollars mula sa UN at Amerika na idinadaan sa clearing house para kumita sa interes, mga lagay mula sa contractor na nagbebenta ng mga baril at bala na meron akong ibinalitang hindi pumuputok sa battle field tulad ng mortar at tank shells (naalala ko bigla ito dahil gumawa ako ng istorya tungkol dito sa Basilan.)
Ang tapang ni Heidi Mendoza. Habang pinapanood ko siya ay sinasabi ko sa sarili ko na napakasuwerte ng pamilya ni Heidi Mendoza. Pero naisip ko din, napakasuwerte ng mamamayang Pilipino, dahil may tumayong Heidi Mendoza para ipaglaban ang karapatan ng mamamayang Pilipino.
Ganyan ang ipinakita nila Jose Rizal, Andres Bonifacio at ng tatay ng pangulo nating panggulo na si Ninoy Aquino. Ngayon mga kapatid ko, nasa kamay natin ang magiging bunga ng sinimulan ni Heidi Mendoza. Tulad ng ginawa natin noong 1986 dahil sa sinimulan ni Ninoy Aquino, at may mahigit isandaang taon na ang nakakaraan sa sinimulan nina Rizal at Bonifacio. Tinatawag muli tayo ng tadhana. Ang ilaw ay pinasingit na ng langit para bigyan tayo ng liwanag.
Ang ilaw na yan ay si Heidi Mendoza, ang pinakamagandang babae sa balat ng COA, at para sa akin ngayon, sa balat ng lupang hinirang, ang Pilipinas.
